
Kaming mga kasapi ng NUTRINET kasama ang butihing alkalde ng Maragondon, nang kami ay magdaos ng evaluation at planning workshop, 5-6 Disyembre 2006.

Pasyalan nyo po ang Web site ng Maragondon sa http://elgu2.ncc.gov.ph/maragondon .

Photo: Maragondon Church by EPPGarcia (2003). All rights reserved. Used with Permission.
Sa unang pagkikita pa lamang, sa sandali na pumasok na ang sinasakyang Adventure sa arkong nagsasabing "Welcome to Maragondon" noong dapit-hapon ng 5 Disyembre 2006, ako ay napaibig na sa Maragondon. Lalo na nang madama ang mainit at taus puso na pagtanggap sa amin ng mga taga Maragondon, lalo na ng staff ni Mayor Monte Andaman sa kanyang bahay bakasyunan, kung saan sa karatig lamang ay ang musoleo ng kanyang yumaong ama. Napapaligiran ng mga punong mangga at kawayan, may umaagos na ilog, tahimik, malinis ang hangin. Labis akong humanga sa dakilang alkalde-- matalino, maginoo, marangal at may pangarap para sa mga mamamayan ng Maragondon.
Ang simbahan ng Maragondon ang makikitang larawan sa itaas.
Nang umuwi ako sa Dasmarinas, di pa rin mawala ang alaala ng Maragondon. Tiyak babalik ako dito sa lugar na pilit nagsusumiksik sa aking kamalayan sa tuwi-tuwina.
Lalo na at sa pangalawang yugto ng aking pananaliksik ay pinayuhan ako ng pinuno ng NRCP na magkaroon dapat ng generic e-commerce model para sa mga 4th class district municipalities sa bansa tulad nga ng Maragondon. Ano pa nga ba ang gagawing modelo kungdi ang Maragondon. Payag, interesado at puno ng pagtangkilik si Alkalde Monte Andaman sa magandang adhikaing ito. Tila pang habang-buhay na baga ang aking pag-ibig sa matulaing bayang ito, kung saan hinatulan ng kamatayan ang Supremo na pinapangarap pa rin ng marami na sana ay ang ating pambansang bayani, si Andres Bonifacio. Siya ay pinatay kasama ng kapatid na si Procopio sa bundok ng Hulog at di sa bundok ng Buntis, gaya ng madalas maiulat. Mga suggestive ang ngalan ng mga bundok sa Maragondon-- Nagpatong, Naputok, Buntis, Hulog. Maraming barangay na ngalan ay Pantihan (Pantihan 1, Pantihan 2, Patihan 3, Pantihan 4).
Ang eco tourism ay nabubuhay sa Maragondon, lalo na sa Mt. Hulog, na puno ng alaala ng Supremo ng Himagsikan.
Ang Maragondon ay kilala sa mga novelty products na gawa mula sa kawayan tulad ng flower vases, wine holders, lamps, novelty boxes, living room sets at iba pa.
Nais ni Alkalde Andaman na patuloy na kalingain ang mga magsasaka, mahalin ang lupa at mga biyayang tumutubo mula sa lupa. Pangarap na marami ang bumili ng mga produkto mula sa sakahan at taniman upang maiangat ang buhay ng mga magsasaka. Kahit na mura ang benta basta marami sana ang tumatangkilik. Bumili tayo ng mais, saging, at kamote. Higit na masustansya ang mga ito. Hwag na kumain ng junk food, mga kutkutin, chichiria na naliligo sa asin at vetsin, spices. Kainin natin ang bunga ng kalikasan sa kanilang likas na porma at di processed form. Mahalin natin ng ating kalusugan, tangkilikin natin ang magsasaka ng ating bansa.
Isa sa mga masalimuot na yugto ng ating kasaysayan ang hatol na kamatayan kay Bonifacio ng pamahalaan ng unang pangulo ng republika na si Hen. Emilio Aguinaldo. Isang di maiiwasang desisyong politika ang pagwawakas ng buhay ng Supremo sa kamay ng pamahalaan ni Aguinaldo. Ngunit sa kaniyang talambuhay, ipinahiwatig ni Aguinaldo na ayaw niya sanang magbuwis ng buhay ang ama ng himagsikan. Ngunit ang mga Espanol ay galit kay Bonifacio at tila nakikipag power play o power sharing (na tila mahirap iwasan sa ganoong pagkakataon) si Hen. Aguinaldo. Kay hirap maging mabuting pinuno. Marami ang pinipili ang maging magaling kaysa maging mabuti, sapagkat mas madali. Kailangan ang sakripisyo at kababaang-loob upang maging mabuti.
Ngunit sila ay kapwa natin Pilipino. Ginawa nila ang kanilang makakaya para sa kabutihan, para sa kalayaan ng mahal nating Pilipinas. Hindi na tayo dapat maging mapang husga.
Mahal kita Maragondon, Cavite. Mahal kita inang bayang Pilipinas. Salamat sa Dakilang Lumikha sa aking pagsilang sa Pilipinas
Kapag masidhi ang aking damdamin, sa inang wika ako nagpapahayag. Ah, kay sarap palang umibig muli. Matagal-tagal ko na rin itong hindi nararamdaman. Tila ako si Lazarus na muling nabuhay. Salamat, salamat!
P.S. Foreign readers, learn Tagalog now. Visit-- http://www.rosettastone.com/en/individuals/languages/tagalog